Manila, Philippines – Nagbabala si Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na magreresulta sa pagtaas ng bilang ng mga mawawalan ng trabaho ang mga pahayag ni Pangulong Duterte laban sa mga PUJ drivers at operators.
Ayon kay Zarate, malaki ang magiging epekto ng mga binitawang salita ng Pangulo dahil magkakaroon ng massive livelihood displacement sa mga jeepney drivers at operators lalo’t karamihan sa mga nasa sektor na ito ay mahihirap.
Umalma naman si Anakpawis Rep. Ariel Casilao kay Pangulong Duterte na hindi dapat ito basta nagbibitiw ng mga salita dahil may lehitimong concern ang mga jeepney drivers at operators sa scheme ng modernization.
Kailangan aniyang resolbahin muna ng Pangulo ang mga pinangangambahang problema ng mga jeepney drivers at huwag idaan sa mga pasangganong istilo ang pagresolba ng problema.
Kinalampag naman ni Zarate ang Kongreso na simulan na ang imbestigasyon sa inihaing House Resolution 833 sa planong modernisasyon sa mga jeepneys.
“Ironic” umanong maituturing dahil ipinipilit ng pamahalaan ang modernisasyon kung saan maglo-loan ang mga pobreng PUV drivers at operators habang may subsidiya naman na 27 Billion para sa production ng private cars ang Mitsubishi at Toyota.
Mababatid na sinabi ng Pangulo na wala itong pakialam kung nais maghirap ng mga jeepney drivers at operators at nagbanta na aarestuhin ang mga hindi tutugon sa PUV modernization.