Jia Morado, nagpaliwanag sa hindi pagsipot sa tryout ng national volleyball team

Nagpaliwanag ang volleball player na si Jia Morado kasunod ng hindi nito pagsipot sa tryout para sa binubuong national team ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF).

Sa liham na ibinahagi ni Morado sa kanyang twitter account, sinabi niya na nagpasya siyang huwag na munang dumalo sa tryout sa Subic dahil sa health at safety concern sa gitna ng nagpapatuloy na COVID-19 pandemic.

Aniya, nababahala siya para sa kaligtasan niya at ng kanyang pamilya.


Nabatid na sa 40 volleyball player na inimbitahan ng PNVF para sa one-day tryout kung saan umano nagpatupad ng “no tryout, no national team”, 16 lang ang dumalo.

Nanindigan naman si national team commission head Tony Boy Liao na kailangan ng Pilipinas ng volleyball stars para sa pagsabak ng bansa sa 2021 Southeast Asian Games.

Facebook Comments