Kasabay ng isang mahabang mensahe para sa Araw ng Kasarinlan ang nangibabaw na reaksyon ng singer na si Jimmy Bondoc sa hindi pag-apruba ng Kongreso sa panukalang batas para sa renewal ng legislative franchise ng giant network na ABS-CBN.
Ni-repost ng vice president for Corporate Social Responsibility Group ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang balita mula sa The Philippine STAR sa Facebook tungkol sa pagkaka-freeze ng franchise ng ABS-CBN, kung saan tinakpan niya ang kalahati ng pangalan ng network kaya “ABS” lamang ang mababasa.
Sinimulan niya ang post sa “Ayaw natin may mawalan ng trabaho,” na matatandaang ibinato sa kanya noong una na ipinahayag niyang ikinatutuwa niya ang ‘nalalapit na pagsasara’ ng isang malaking istasyon.
Hindi aniya ito mangyayari kung:
“susunod ang mga network sa BASIC RULES and LAWS.
They can show GOOD FAITH by:
paying debts,
complying with labor laws,
changing their harmful internal culture,
DEPOLITICIZING THE NEWS,
and more”
Maraming pang sinabi si Bondoc tungkol sa kasarinlan, hegemony, hollywood, foreign politics, na sa dulo’y tumutukoy sa kapangyarihan ng tinawag niyang “major networks.”
Hindi man direktang tinukoy ni Bondoc ang isyu ng franchise renewal ng ABS-CBN, sinabi nyang nasa kamay ito ng Kongreso, at ang tanging magagawa lang ng presidente ay mag-apruba o mag-veto.
Nag-ugat ang isyu sa hindi umanong pagpapalabas ng ABS-CBN sa political ad ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 kahit bayad na ito.
Hayagang sinabi ni Duterte na haharangin niya ang franchise renewal ng network.