JOB FAIR | DTI, mag-aalok ng 30,000 trabaho sa construction industry

Manila, Philippines – Aabot sa 30,000 trabaho ang i-aalok ng Department of Trade and Industry (DTI) sa isasagawang job fair sa Linggo, August 11 bilang suporta sa maambisyosong infrastructure program ng Duterte Administration na ‘build, build, build’ program.

Sa abiso ng DTI, ang kanilang agency na Construction Industry Authority of the Philippines (CIAP) ay pangungunahan ang job fair na ‘jobs, jobs, jobs’ sa gaganapin sa SMX Convention Center sa Pasay City.

Magsisimula ito ng alas-8:30 ng umaga hanggang alas-4:30 ng hapon.


Ayon sa CIAP, mabibigyan ng trabaho ang ‘blue’ at ‘white’ collar workers na naghahanap ng mapapasukan sa construction industry.

Magkakaroon din ng booths ang iba’-ibang ahensya ng gobyerno para tulungan ang mga naghahanap ng trabaho na makumpleto ang kanilang employment requirements.

Una nang sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade na sa tulong ng ‘build, build, build’ ay makakalikha ng 1.8 million na trabaho kada taon.

Nabanggit din ni Labor Secretary Silvestre Bello III na inaasahang magiging biggest contributor sa employment growth ngayong taon ang construction industry.

Facebook Comments