*Cauayan City, Isabela-* Tinatayang nasa mahigit tatlong daang aplikante ang naitala lamang ng DOLE Region 2 mula sa mahigit apat na libong job vacancies sa isinagawang Job Fair sa FLDY Coliseum kasabay ng paggunita sa Labor Day.
Sa panayam ng 98.5 RMN Cauayan kay DOLE Regional Director Atty. Sarah Mirasol, marahil ay kulang umano sa information dissemination kaya’t iilan lamang ang bilang ng mga aplikante.
Kaugnay nito, mayroon lamang 325 na mga aplikante ang nagsadya sa naturang aktibidad at 58 sa mga ito ay agad na nakuha sa mismong araw ng interview.
Kabilang sa mga posisyon o trabaho ng mga hired on the spot ay office clerks, sales associates, card dealer at warehouse coordinator.
Gayunman, malaki pa rin ang pasasalamat ng DOLE Region 02 dahil sa pagtugon ng mga Cauayeño at maayos naman itong natapos.
Ipinaaalala naman ng nasabing tanggapan sa mga manggagawa na huwag matakot magsumbong o magreklamo sa pinakamalapit na opisina ng DOLE kung nakakaranas ng hindi tamang pagtrato o di kaya’y may paglabag ang employer sa labor standard ng DOLE.
Samantala, isasagawa naman ang pangalawang Job Fair bukas, May 3, 2019 sa Satiago City na susundan ng City of Ilagan sa May 4, 2019.