Jobert Sucaldito, binatikos ng publiko dahil sa ‘suicide joke’ kay Nadine Lustre

Images from Facebook/Jobert Sucaldito and IG/Nadine Lustre

Nasa hot seat ngayon ang radio host at kolumnistang si Jobert Sucaldito kaugnay sa sinabing “suicide joke” sa kaniyang programa sa DZMM.

Sa episode ng “Showbuzz” nitong Martes, pinasaringan ni Sucaldito si Nadine Lustre bunsod ng mga salitang binitiwan laban kay Ricky Lo.

Matatandaang isiniwalat ni Lo sa artikulo niya sa The Philippine Star na nag-iingat si James Reid sa umano’y hiwalayan nila ng aktres sanhi ng kinakaharap daw na mental illness.


Ipinagtanggol ng radio commentator ang beteranong manunulat at iginiit na wala silang alam sa buhay ng mga artista.

“Sila ang naggawa-gawa ng mga kwento na mali namin ay pinatulan namin. Di ba? Kaya lumaki at medyo napag-uusapan.”

Doon na siya humirit na “sana tumalon na lang” kaysa magpa-picture sa balkonahe at biglang magdrama sa social media.

“Sana tumalon na lang, kung ganoon naman din pala,” ani Sucaldito.
Ikinagalit ng maraming netizen ang umano’y iresponsableng komento ng entertainment host-writer dahilan para mag-trend ang hashtag na #SuicideIsNotAJokeJobert.

Kinumpirma naman ng pamunuan ng ABS-CBN News na magsasagawa sila ng sariling imbestigasyon hinggil sa naging pahayag ni Sucaldito.

Sa mga nakakaranas ng depression, huwag mag-alinlangan sumanggi sa malalapit na kaibigan at espesyalista.

Maari din kayong tumawag sa “Hope Line” ng Natasha Goulbourn Foundation na katuwang ng Department of Health:

  • (02) 804-HOPE (4673)
  • 0917-558-HOPE (4673) or (632) 211-4550
  • 0917-852-HOPE (4673) or (632) 964-6876
  • 0917-842-HOPE (4673) or (632) 964-4084

 

Facebook Comments