Bahagyang tumaas ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho nitong December 2022.
Sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA), umakyat sa 4.3% ang unemployment rate noong December 2022 o katumbas ng 2.22 million jobless Filipinos.
Mas mataas ito sa 4.2% o 2.18 million unemployed Filipinos noong November 2022 pero mas mababa kung ikukumpara sa 6.6% o 3.28 million na mga Pilipinong walang trabaho noong December 2021.
Sa kabila nito, ayon kay PSA Undersecretary at National Statistician Claire Dennis Mapa, nabawasan din ang bilang ng mga underemployed o mga indibidwal na may trabaho o negosyo o nais na magkaroon ng karagdagang oras sa pagtatrabaho o karagdagang bagong trabaho.
Mula 7.16 million na mga underemployed Filipino noong November 2022 ay nasa 6.20 million na lamang ito noong December 2022.
Paliwanag ni Mapa, bunsod ito ng pagdami ng mga nagtatrabaho ng higit apatnapung oras nitong Holiday season.
Bahagya namang bumaba ang bilang ng mga may trabaho noong December 2022 na nasa 49 million kumpara sa 49.71 million noong November 2022.