Jobseekers, kailangang sumalang sa dagdag na training – DOLE

Upang maging ‘employable’ o matanggap sa trabaho, kinakailangang sumailalim ng karamihan sa mga Pilipinong estudyante o jobseekers ng karagdagang training.

Base sa pag-aaral ng Philippine Talent Map Initiative, mula 90,000 respondents, 31.7% dito o katumbas ng 18,928 ay kailangan ng dagdag na training.

Isinagawa ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pag-aaral katuwang ang ilang pribadong kumpanya para alamin ang current trends at issues na kinakaharap ng academe at ang industriya pagdating sa workforce development.


Ayon sa DOLE, layunin ng pag-aaral na resolbahin ang problema tungkol sa job at skills mismatch sa bansa, sa pamamagitan ng pagtukoy ng talent, skills at training na kailangan sa Filipino workforce.

Lumabas din sa pag-aaral na 68.3% ng mga estudyante, employed, unemployed at trainees ay ‘employable’ dahil sa pagkamahusay sa wikang ingles bilang top competency.

Ang creative problem solving ang pinakamahinang skill ng karamihan sa mga respondents at ito ang kailangang i-improve, kabilang na ang innovation at decision making skills.

Ang resulta ng pag-aaral ng DOLE ay ipi-prisinta sa Commission on Higher Education (CHED), Department of Education (DepEd) at Technical Education and Skill Development Authority (TESDA).

Facebook Comments