Manila, Philippines – Inakusahan ng kampo ni hazing suspect John Paul Solano ang Manila Police District at ang pamilya ni hazing victim Horacio Castillo III ng pagko-cover up sa tunay na ikinamatay ni Atio.
Sa kanyang counter affidavit, iginiit ni Solano na ang cardiac arrest na ikinamatay ni Atio ay hindi bunga ng initiation rites.
Aniya, ang cardiac failure na ikinamatay ni Atio ay dahil sa kanyang pre-existing heart disease na Hypertrophic Cardiomyopathy (HCM).
Malinaw aniya ito sa mismong Medico Legal Report ng MPD kung saan lumalabas din na malaki ang puso ni Atio kumpara sa normal o ang tinatawag na grossly enlarged.
Sinabi pa ni Solano na bilang isang lisensyadong medical technologist, batid niya na kung totoo ngang biktima ng hazing si Atio, dapat ay nagtamo ito ng kidney injury o di kaya ay multiple organ failure.
Una nang iginiit ni Solano na mabasura ang reklamo laban sa kanya kaugnay ng pagkamatay ni Atio dahil wala siyang kinalaman sa initiation rites dito.