Nakiisa ang Philippine National Police (PNP) sa isinagawang Joint Inter-Agency Conference na pinangunahan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at dinaluhan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng National Intelligence Coordinating Agency, National Privacy Commission at mga kinatawan mula sa Japan.
Ang pulong ay kasunod ng kaliwa’t kanang bomb threat na bumulabog sa ilang ahensya ng gobyerno at paaralan kahapon.
Layon ng pulong na bumuo ng komprehensibong stratehiya para tugunan ang naturang banta.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng PNP Anti-Cybercrime Group, kahalintulad nang kumalat na hoax bomb threat noong isang taon ang bomb threat na kumalat kahapon ng isang nagpakilalang Japanese lawyer na si Takahiro Karasawa kung saan hindi lamang ito bumulabog sa Pilipinas kundi maging sa mga kalapit na bansa.
Kasunod nito, pinapayuhan ng PNP ang publiko na manatiling mapagmatayag at vigilante at iwasan ang pagpapakalat ng mga impormasyong magdudulot ng kaguluhan o panic.
Paalala pa ng PNP sa sinumang mapapatunayang nagpapakalat ng mali maling balita o bomb threat ay mapaparusahan alinsunod sa Presidential Decree 1727 kung saan maaaring magmulta ng P40,000 at pagkakakulong ng hanggang limang taon.