Iminungkahi ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte ang pagsasagawa ng Pilipinas ng joint maritime patrols sa West Philippine Sea katuwang ang Amerika at iba pang kaalyado nating bansa tulad ng Japan at Australia.
Naniniwala si Villafuerte na ang maigting na joint maritime patrols ay makakatulong para mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa Indo-Pacific region.
Suhestyon ito ni Villafuerte kasunod ng balitang dumagsa mui ang mga Chinese vessel sa Del Pilar Reef at Escoda Shoal na sakop ng West Philippine Sea.
Tugon din ito ni Villafuerte sa napaulat na pagharang umano ng Chinese Coast Guard ships sa Philippine Coast Guard vessels patungong Ayungin Shoal.
Sabi pa ni Villafuerte, napapanahong ikasa ang magkakasamang pagpapatrolya lalo at sinuportahan ng 22 bansa ang paggiit ng Pilipinas ng sovereign rights sa West Philippine Sea.