Joint resolution, ipapasa ng Senado at Kongreso para maibigay sa iba ang housing projects na nakalaan sa mga sundalo at pulis

Manila, Philippines – Magpapasa ng joint resolution ang Kamara at Senado ng isang joint resolution na magbibigay otorisasyon sa National Housing Authority o NHA na ibigay sa iba ang mga nakatiwangwang na housing units para sa mga sundalo.

Ito ang inihayag nina Senator JV Ejercito at Congressman Alfredo Benitez na kapwa chairman ng Committee on Housing matapos ang pagdinig na isinagawa ukol sa pwersahang pag-okupa ng grupong Kadamay sa 5,262 units ng NHA sa Pandi, Bulacan na nakalaan sa mga sundalo at pulis.

Sa pagdinig ay lumabas na mahigit 50,000 pa sa mga government housing units para sa mga sundalo at pulis sa buong bansa ang hindi pa rin inookupahan.


Sa pamamagitan ng joint resolusyon ay maaring i-award ng NHA ang nasabing mga nakatiwangwang na pabahay sa mga pampublikong guro, local government employees, at pati na rin sa kwalipikadong miyembro ng Kadamay.

Sa hearing ay inihayag din ni NHA General Manager Marcelino Escalada Jr na binibigyan nila ng hanggang June 15 ang mga pulis at sundalo para okupahin ang mga pabahay na nakalaan sa kanila ay kung hindi ay ibibigay na ito sa ibang nangangailangan.

Samantala, masusundan pa ang pagdinig ng senado ukol sa nabanggit na isyu ng pabahay.

Sa susundo na Linggo naman ay plano ni Senator Ejercito na magsagawa ng ocular inspection sa NHA housing units sa Pandi Bulacan, na inokupa ng Kadamay.
Nation

Facebook Comments