Magsasagawa ng joint security command conference ang Commission on Elections (COMELEC) at ilang mga awtoridad mamayang hapon para sa special elections sa ika-pitong distrito ng lalawigan ng Cavite na idaraos sa February 25, 2023.
Ito’y matapos mabakante noong Hulyo 2022 ang posisyon ng 7th District Representative ng Cavite nang tanggapin ni Boying Remulla ang posisyon bilang Justice Secretary ng bansa.
Si Commissioner Marlon Casquejo na tumatayong Commissioner-in-Charge for the Special Elections ang mamumuno sa joint command conference.
Inaasahang dadaluhan ito ng mga COMELEC field official ng Cavite, Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), at Philippine Coast Guard (PCG).
Layunin ng isasagawang joint conference na talakayin at plantsahin ang magiging partisipasyon ng nabanggit na mga awtoridad sa idaraos na special election.