JOINT TACTICAL INSPECTION, IKINASA NG SM CAUAYAN AT TUGUEGARAO CITY

Cauayan City, Isabela- Nagsagawa ngayong araw, August 11, 2022 ng Joint Tactical Inspection ang pamunuan ng SM City Cauayan, SM Center Tuguegarao Downtown at SM Retail Group na ginanap sa ground floor ng SM City Cauayan.

Sa ibinahaging impormasyon ni Ms. Krystal Gayle Agbulig, SM City Cauayan Public Relations Manager, kada taon aniya ang Joint Tactical Inspection sa mga security forces ng SM sa pangunguna ni Mr. Almus J. Alabe, Senior Assistant Vice President for Customer Relations Services ng SM subalit ngayon lang muli naisakatuparan dahil sa epekto ng pandemya.

Layunin ng JTI na mainspek ang kahandaan ng mga guwardiya na nakatalaga sa SM Supermalls, SM Retail Group at mga kaakibat nito para masiguro ang kaligtasan ng mga mallgoers, empleyado at tenants ng SM.

Bukod sa kahandaan ng mga security personnel ng SM, tinignan din ang mga uniporme ng mga guwardiya kung sumusunod ang mga ito sa standard ng kumpanya ganun din sa kanilang mga gamit kung gumagana at handa itong gamitin.

Maging ang mga kawani ng janitorial services and maintenance services ng Mall ay sumailalim din sa ebalwasyon.

Layon din ng nasabing aktibidad na paalalahanan muli at turuan ang mga guwardiya sa tamang hakbang at mga dapat na gawin kung sakaling may mga hindi inaasahang pangyayari.

Naging bahagi rin sa Joint Tactical Inspection ang pagbibigay pugay at parangal sa mga security guard na nakarekober at nagsauli ng mga naiwang items ng mga mallgoers sa Mall ganun din sa mga nakahuli ng mga shoplifter.

Nagsilbi namang guest of honor and speaker si PLTCol Sherwin Cuntapay, Hepe ng PNP Cauayan City kung saan pinuri nito ang magandang serbisyo ng SM Cauayan sa pagtiyak sa kaligtasan ng mga nagtutungo sa mall.

Hinimok din ng hepe ang pamunuan ng SM na makipagtulungan sa PNP sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa lungsod ganundin sa pag implimenta sa Executive Order no. 70 o NTF ELCAC ni Former President Rodrigo Duterte.

Facebook Comments