Inilagay sa lockdown ang Jolo, Sulu kasunod ng dalawang pagsabog na nangyari kahapon.
Ayon kay 11th Infantry Division Spokesperson Lieutenant General Ronaldo Mateo, ipinatupad agad nila ang lockdown matapos ang ikalawang pagsabog para mapigilan ang mga posibleng susunod na pag-atake.
Ang crisis committee ng bayan ang magpapasya kung hanggang kailan magtatagal ang lockdown.
Sinabi ni Jolo Mayor Kerkhar Tan, bawal muna ang pagpasok sa Jolo ng mga residenteng taga ibang bayan.
Kanselado rin pansamantala ang operasyon ng pier at biyahe ng mga barko na nagdadala ng mga locally Stranded Individual (LSI) at returning Overseas Filipino Workers (OFW).
Mahigpit ding ipatutupad ang curfew mula alas-8:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga.
Hihigpitan naman ang seguridad sa Jolo at hihikayatin ang mga residente na ibaba ang kanilang face mask sa mga security checkpoint.
Bawal muna ang paggamit ng dark shades at magtatalaga na rin ng parking area sa mga sasakyan sa Jolo.
Sa huling datos ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Mindanao Command, isang suicide bomber, anim na sibilyan, pitong sundalo at isang pulis ang namatay sa mga pagsabog.
Nasa 48 sibilyan, 21 sundalo at ani, na pulis naman ang nasugatan sa insidente.
Naniniwala ang Militar na ang Abu Sayaff Group ang nasa likod ng pag-atake.
Ang unang pagsabog ay nagmula sa itinanim na bomba sa isang motorsiklo habang ang ikalawang pagsabog ay ginawa ng isang babaeng suicide bomber.