Tinawag ni Interior Secretary Eduardo Año si Communist Party of the Philippines (CPP) leader Joma Sison na nakakaranas na ng halusinasyon o karamdamang mental.
Ginawa ni Año ang patutsada kasunod ng pahayag ni Sison na hindi siya maaring ipaaresto dahil protektado siya bilang political refugee ng bansang The Netherlands.
Nauna nang nag-isyu na ng red notice ang Philippine National Police (PNP) sa Interpol para sa provisional arrest ni Sison.
Ani Año, hihilingin nila sa Dutch Government na bawiin ang “refugee status” ni Sison dahil sa papel umano nito sa mga krimen at iba pang criminal acts batay sa pagdetermina ng Regional Trial Court.
Ani Año, hindi maaring ituring na political refugee ang isang kriminal o mass murderer na tulad ni Sison.
Nauna nang nag-isyu ng warrant of arrest ang Manila Regional Trial Court (MRTC) laban kay Joma at 36 na iba pa na sangkot sa Inopacan massacre, ang madugong pagpurga sa mga CPP/NPA members na napagsuspetsahang government agent noong 2006.
Dagdag pa ng Department of the Interior and Local Government (DILG) chief, wala ng rason pa para kanlungin pa ng Netherlands si Joma dahil ang Pilipinas at ang European Union (EU) mismo kung saan kasapi ang Netherlands ay nagsasabing isang terrorist organization ang CPP na pinamumunuan ni Sison.