Bukod sa UP-PGH, handa na rin ang Jose N. Rodriguez Memorial Hospital sa Tala, Caloocan City na maging isa sa mga referral hospitals ng DOH para sa mga pasyenteng positibo sa COVID19.
Binisita na ng mga opisyal ng DOH ang naturang ospital at ayon kay Dr. Alfonso Fritz Famaran (Medical Director ng Jose N. Rodriguez Hospital), mayroon na silang mga available na kwarto para sa COVID-19 patients na kaya mag-accomodate ng 215 pasyente.
Ayon kay Dr. Famaran, sa ngayon may 4 na COVID-19 patients sila at inaasahang madadagdagan pa ito sa Lunes.
Nilinaw naman ni Dr. Famaran na hindi pwedeng basta nalang dumiretso sa kanila ang hinihinalang positibo sa COVID-19 dahil kailangang i-coordinate pa rin sa DOH.
Ang iba namang pasyente ng nasabing ospital ay ililipat muna sa iba pang government hospitals para ma-accomodate ang COVID-19 patients.
Bukod sa UP-PGH at Jose N. Rodriguez Hospital, kasama rin ang Philippine Lung Center Hospital sa Quezon City sa COVID-19 referral hospitals ng DOH sa NCR.