JP Solano, isiniwalat ang lahat ng nalalaman sa isinagawang executive session ng Senado

Manila, Philippines – Lagpas alas-onse na kagabi ng matapos ang executive session na isinagawa ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Senator Panfilo Ping Lacson.

Dito ay sinabi na lahat ni John Paul Solano ang kanyang nalalaman ukol sa hazing at pagkamatay ng freshman UST law student na si Horacio Castillo III.

Ayon kay Senator Win Gatchalian, kinilabutan sila sa sobrang malaman na kwento ni Solano sa executive session.


Anim na pangalan aniya ng mga kasapi ng aegis juris fraternity na nasa crime scene ang ibinigay ni solano na kanya ding ihahayag sa publiko sa oras na makapagsumite na sya ng sworn affidavit.

Nabatid na kabilang sa pinangalanan ni Solano ay kung sino ang frat member na tumawag sa kanya, sino ang mga kasama niya na naghatid kay Castillo sa Chinese General Hospital at sino ang nag-utos sa kanya na magsinungaling para palabasin na nakita niya lang sa Balut, Tondo ang katawan ng biktima.

Naniniwala si Gatchalian na kapag pinagdugtong-dugtong ang mga impormasyong ibinigay ni Solano sa executive session ay makikita na ng Philippine National Police kung sino ang may sala sa pagkamatay ni Castillo.

Paliwanag naman ni Senador Juan Miguel Zubiri, hindi nila maaarimg isapubliko sa ngayon ang mga isiniwalat ni Solano hanggat hindi pa naisusumite at naipapalabas ang sworn affidavit nito.

Facebook Comments