May babala ang courier service na J&T Express Philippines laban sa mga nagpapakalat ng malisyong post kaugnay ng umano’y kapalpakan ng kompanya sa paghahawak ng parcel.
Nitong Miyerkoles, kumalat ang video kung saan hinahagis lamang ng ilang empleyado ang mga produktong ipapadala pa lamang.
Umani ang kontrobersiyal na kuha ng higit 1 million views at sangkaterbang batikos mula sa mga tumatangkilik ng online selling.
VIRAL: Mga parcel na ide-deliver, hinahagis na parang laruan sa truck
Matapos mag-viral online ang nakababahalang gawain, lumabas naman ang iba pang reklamo ng mga mamimili hinggil sa kaparehong istilo at masamang karanasan sa kompanya.
Sa isang pahayag, sinabi ng pamunuan ng J&T Express na hindi sila magdadalawang-isip na gumawa ng legal ng aksyon sa mga nasa likod na sinasabing mapanirang post.
Paglilinaw ng delivery service company, luma at naresolba na ang ilang sumbong na lumitaw sa social media.
“It has come to our attention that malicious posts and resolved cases have been posted, compromising the welfare of our thousands of employees nationwide as well as their families. We are monitoring all platforms available and will take necessary actions legally,” saad ng kompanya.
Pinayuhan din nila ang publiko na gamitin sa tama ang malayang pamamahayag.
“We highly encourage the public to practice their freedom of speech responsibly, and with the right thinking.”
‘Round the clock’ daw na bukas ang kanilang hotline at social media upang matugunan ang concern ng kanilang mga kliyente.