Nagpaalala ang Joint Task Force (JTF) COVID Shield sa mga may-ari ng internet shops na istriktong ipatupad ang “no minors allowed” policy.
Ang paalala ay ginawa ni Philippine National Police (PNP) Deputy Chief for Administration at JTF COVID Shield Commander Police Lieutenant General Guillermo Eleazar dahil sa nalalapit na pagbubukas ng klase sa October 5, 2020.
Ayon kay Gen. Eleazar, alam nila na mayroong mga high school at elementary students na walang mga computer at maaaring magtungo sa internet shops para sa kanilang online classes.
Pero batay aniya sa mga ipinaiiral na alituntunin ng Inter-Agency Task Force (IATF) na bilang kondisyon sa pagpayag sa internet shops na mag-bukas, ay ipinagbabawal dito ang mga menor de edad sa mga lugar na ipinapairal ang quarantine.
Mahigpit ang bilin ni Gen. Eleazar sa local police commanders na magsagawa ng accounting sa lahat ng internet shops sa kanilang area of responsibility at makipag-ugnayan sa mga Local Government Unit (LGU) para sa pagpapatupad ng health protocols sa internet shops na ito.
Panawagan din si Gen. Eleazar sa internet shop owners na gawin din ang kanilang parte para mapigilan ang pagkalat ng sakit sa pamamagitan ng pagsiguro na maayos na nadi-disinfect ang kanilang mga establishment.