Mag-iisyu ang Joint Task Force COVID Shield ng bagong travel document para mapaluwag ang travel restrictions.
Nabatid na binawi ng pamahalaan ang travel restrictions para muling gumana ang ekonomiya, pero may ilang Local Government Units (LGU) pa rin ang nag-rerequire ng Travel Authority bago i-classify bilang non-Authorized Persons Outside Residence (APOR) na kinabibilangan ng Locally Stranded Individuals (LSIs) bago sila payagang makapasok sa kanilang lugar.
Ayon kay JTF Commander, Police Lieutenant General Guillermo Eleazar, maglalabas sila ng Travel Pass through Permit (TPP), na magsisilbing passage document para sa mga biyahero lalo na sa mga non-APOR at LSI.
Ito aniya ang ipapakita sa mga pulis na nakamando sa Quarantine Control Points, border control checkpoints para sila ay mapayagang makapasok sa mga LGU na mayroon pa ring travel restrictions.
Binigyang diin n Eleazar na ang mga LGU sa ilalim ng Unrestricted Travel Policy ay hindi na dapat hinaharang ang sinumang papasok sa kanilang lugar na walang Travel Authority o TPP.
Ang TPP ay applicable lamang sa mga lugar na nasa General Community Quarantine (GCQ) at modified GCQ at hindi naman applicable sa mga lugar na nasa Enhanced Community Quarantine (ECQ) at Modified ECQ.
Maaring kumuha ng TPP sa alinmang police station sa bansa at hindi na kailangang magpakita ng anumang dokumento at hindi na kailangan ng prior coordination sa pagitan ng LGU na panggagalingan at LGU na pupuntahan.
Mananatiling naka-record ang sinumang nabigyan ng TPP para sa future reference.