Iniutos na ni JTF COVID Shield Commander Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar sa lahat ng police commanders na mahigpit na ipatupad ang curfew sa kanilang area of responsibility.
Ito ay upang mas malabanan ang pagkalat pa ng COVID-19.
Kasunod na rin ito ng anunsyo ng gobyerno na mananatili sa General Community Quarantine (GCQ) ang Metro Manila, Bulacan, Batangas, Tacloban at Bacolod City at Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) naman sa Iligan, habang ang lahat nang iba pang lugar sa bansa ay nasa Modified General Community Quarantine (MGCQ) hanggang September 30.
Giit ni Eleazar, kinakailangang maipatupad ang curfew kahit ano pa mang community quarantine status ng isang lugar.
Sa ngayon, sa Metro Manila ipinatutupad ang curfew mula alas-8:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng madaling araw.
Dahil naman sa kakulangan ng mga pulis para magpatupad ng curfew, nakikipag-ugnayan ang Philippine National Police (PNP) sa mga Local Government Units (LGUs) para sa deployment ng mga Barangay Tanod sa kanilang mga lugar upang tumulong sa implementasyon ng curfew.