Nililinaw ng Joint Task Force COVID Shield na kailangang mayroong travel authority ang sinumang ba-byahe na ang lugar ay nasa General Community Quarantine (GCQ), Enchanced Community Quarantine (ECQ), at Modified ECQ.
Ginawa ng JTF COVID Shield ang paglilinaw matapos na magpasya ang Cavite Provincial Government na buksan sa mga turista ang Tagaytay City.
Ayon kay JTF COVID Shield Commander Lt. Gen Guillermo Eleazar, ang papayagan lamang na makapunta sa Tagaytay City na walang travel authority ay ang mga nakatira sa mga lugar na nasa MGCQ at ang mga lugar na wala nang quarantine status.
Giit ni Eleazar, dapat ay mahigpit pa rin na naipapatupad ang travel protocols para maprotektahan ang mga lugar sa pagdami pa ng mga infected ng COVID-19.
Batay sa Omnibus Guideline na inilabas ng Inter-Agency Task Force on the Management of the Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID), ang mga LGU na nasa MGCQ status at walang quarantine status ang papayagan lamang na magbukas ng kanilang lugar para sa mga turista.
Pero nakasaad din sa Omnibus Guideline na ang kanila lamang i-a-accomodate ay ang mga turista na manggagaling sa lugar na nasa MGCQ at walang quarantine status.