Nilinaw ngayon ni Joint Task Force COVID-19 Shield Chief Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar na kailangan pa ring kumuha ng travel authority ng mga taga-Metro Manila na nais umakyat, magpalamig at mamasyal sa Tagaytay City.
Ayon kay Gen. Eleazar, layon nitong makontrol ang dami ng tao sa Tagaytay upang maiwasang kumalat ang COVID-19.
Paliwanag ng opisyal, ang Cavite kung nasaan ang Tagaytay ay pasok na sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) kung kaya’t pinapayagan na ang pagbubukas ng kanilang border lalo na sa mga manggagaling din sa kaparehong MGCQ areas.
Pero kung galing ng Metro Manila at iba pang lugar na sakop ng General Community Quarantine (GCQ) ay kailangang kumuha muna ng medical clearance na isusumite sa Local Government Unit (LGU) at ang LGU o Philippine National Police (PNP) sa kanilang lugar ang siyang mag-i-issue naman ng travel authority para ma-i-coordinate ito sa Tagaytay LGU upang ma-monitor ang bilang ng mga papasok na tao.
Tanging ang mga Authorized Persons Outside Residence (APOR) lamang ang pinapayagang makatawid ng magkaibang lalawigan na magkaiba ang quarantine classification basta’t ito ay may kaugnayan sa kanilang trabaho.