Magsasagawa pa rin ang House Committee on Justice ng pagdinig sa impeachment complaint laban kay Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen kahit mag-a-adjourn na ang sesyon sa susunod na Linggo.
Ayon kay Justice Committee Chairman at Rizal Rep. Juan Fidel Nograles, kahit mag-a-adjourn na ang 2nd regular session ng 18th Congress sa June 4 ay maaari pa rin silang magschedule ng hearing sa mga susunod na linggo.
Mayroon aniya silang 60 days na committee hearings para tapusin ang trial at alamin kung ‘sufficient in form’ at ‘sufficient in substance’ ang mga reklamo laban kay Leonen.
Target aniya nilang makapaglabas ng committee report hanggang Setyembre o Oktubre ng kasalukuyang taon.
Sakaling mayroong sapat na porma at substance ang reklamo kay Leonen ay iaakyat ito sa plenaryo para pagbotohan naman ng lahat ng mga kongresista.
Mangangailangan ng 1/3 votes o 100 na mga kongresista ang dapat na bumoto pabor sa impeachment.
Iginiit pa ni Nograles na ang kanilang gagawing pagdinig sa komite sa impeachment laban kay Leonen ay hindi makakaapekto sa mga trabaho ng Kamara lalo na ngayong panahon ng pandemya.