Pansamantalang hindi muna tatanggap ang Justice Jose Abad Santos General Hospital sa Maynila ng mga bagong pasyente na manganganak na non-COVID o walang kaugnayan sa COVID-19 dahil sa punuan na ito.
Ayon kay Manila City Mayor Isko Moreno, hindi pa nila masabi kung hanggang kailan mananatili ang suspensyon sa pagtanggap ng mga bagong pasyente.
Layon nito na mabigyang-daan ang pagbabawas ng dami ng mga pasyente sa ospital at mas maipatutupad din ang tamang physical distancing para maiwasan ang pagkakasakit ng mga staff ng ospital.
Sinabi ni Moreno na ang mga naka-schedule nang ma-caesarean delivery o maoperahang pasyete sa Jose Abad Santos Hospital ay i-o-augment ng mga kalapit na ospital gaya ng Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center.
Sa abiso ng hospital, umabot na sa 233 percent ang occupancy rate nito o doble pa sa tunay na kapasidad ng pagamutan sa dami ng mga pasyente.
Ayon sa pamunuan ng ospital, may anim na pasyenteng kailangang ma-caesarean delivery subalit iisa lang ang kanilang operating room na nakalaan habang ang ibang operating room ay para naman sa COVID-19 patients.
Ipinatawag na rin ang mga obstetrician na off-duty para tumulong sa kanilang operasyon.