Nakahanda ang Department of Justice na bigyan ng security personnel si dating Chief Justice Lucas Bersamin kung pormal niya itong hihilingin.
Ito ang reaksyon ni Justice Secretary Menardo Guevarra kasunod ng kumpirmasyon ng Korte Suprema na may mga natatanggap na death threats si Bersamin, ilang araw matapos siyang magretiro noong October 18.
Ipinaliwanag ni Guevarra na maaari naman niyang atasan ang National Bureau of Investigation para magtalaga ng ilang security escorts para kay Bersamin.
Nabatid na ang pinakahuling insidente ay nito lamang nakaraang araw ng linggo kung saan may riding-in-tandem ang sumusunod sa sasakyan ni Bersamin habang papauwi siya sa kanyang bahay.
Bukod pa ito sa mga pagbabanta na natatanggap ni Bersamin sa pamamagitan ng mga tawag sa telepono.
Si Bersamin ay kabilang sa mga bumoto ng pabor sa quo warranto petition laban sa nuon ay Chief Justice Maria Lourdes Sereno, gayundin sa pag-iral ng martial law sa Mindanao at pumayag din siya na maihimlay sa libingan ng mga bayani si dating Pangulong Ferdinand Marcos.