Justice Sec. Guevarra, naniniwalang naging makatwiran ang omnibus orders ng Muntinlupa RTC sa De Lima drug cases

Naniniwala si Justice Sec. Menardo Guevarra na naging patas ang Muntinlupa RTC sa omnibus orders nito sa drug cases ni Senadora Leila de Lima.

Ayon kay Guevarra, kumbinsido siya na na-evaluate ng maayos at natimbang ng hukuman ang mga ebidensyang inihain ng prosecution panel ng Department of Justice (DOJ).

Kahapon, ibinasura ng Muntinlupa RTC ang mosyon ng kampo ni De Lima na humihiling na ma-dismiss ang drug case na isinampa laban sa kanila ng kapwa akusadong si Ronnie Dayan.


Sa desisyon ni Presiding Judge Liezel Aquiatan ng Muntinlupa RTC Branch 205, ibinasura ng korte ang magkahiwalay na “demurrer to evidence” nina De Lima at Dayan.

Ibinasura rin ng korte ang hiling ng dalawa na makapagpiyansa.

Samantala, ibinasura naman ng naturang korte ang hiwalay na drug case ni De Lima dahil sa kakulangan ng ebidensya.

Ibinasura rin ng hukuman ang hiling ng isa pang kapwa-akusado ng senadora na si Jose Adrian Dera na ma-dismiss ang kanyang kaso.

Pinayagan naman ng korte na makapagpiyansa si Dera ng kalahating milyong piso.

Facebook Comments