Justice Sec. Guevarra, pinasisibak at pinsususpinde ang mga nagpabayang BuCor officials kasunod ng riot sa Bilibid

Ipinag-utos na ng Department of Justice (DOJ) na sibakin at suspendihin ang mga opisyal at tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) na nagpabaya sa kanilang tungkulin matapos ang nangyaring riot sa New Bilibid Prisons (NBP) kung saan siyam na inmates ang namatay.

Sa isang memorandum na ipinadala ng DOJ kay BuCor Director General Gerald Bantag, inatasan siya ni Guevarra na agad patawan ng relief at preventive suspension ang mga opisyal at tauhang mapapatunayang mayroong pananagutan sa insidente dahil sa kanilang kapapabayaan.

Bukod dito, nais din ni Guevarra na magsagawa ng malalim na imbestigasyon sa insidente at kilalanin ang lahat ng Persons Deprived of Liberty (PDLs) na sumali sa riot at kasuhan ang mga ito ng criminal complaints.


Iginiit ni Guevarra na dapat ipatupad ng BuCor ang lahat ng kinakailangang hakbang para hindi na maulit ang ganitong insidente.

Pinasususpinde rin ni Guevarra ang lahat ng pribilehiyo ng PDLs.

Pinasusuyod din ng kalihim ang buong Maximum Security Compound at pinakukumpiska ang lahat ng uri ng kontrabando at sandatang posibleng matagpuan sa lugar.

Binigyan ni Guevarra si Bantag ng limang araw para isumite ang initial report sa status ng gagawing aksyon hinggil dito.

Ang riot ay nangyari sa loob ng Quadrant 4 ng NBP-East, Maximum Security Compound, madaling araw nitong Biyernes, October 9, sa pagitan ng Sigue Sigue Sputnik (SSS) at Sigue Sigue Commando (SSC) gangs.

Facebook Comments