Manila, Philippines – Pinagbibitiw na sa puwesto ni Senator Risa Hontiveros si Justice Secretary Vitaliano Aguirre III.
Ito ay dahil aniya sa ‘unethical behavior’ ng kalihim.
Sa kanyang privilege speech sa Senado kahapon, tinawag niyang sinungaling at abuso sa kapangyarihan si Aguirre dahil na rin sa pagtatangka ng kalihim na kunin ang kustodiya ng mga testigo sa pagpatay kay Kian Loyd Delos Santos.
Bukod dito, ibinunyag din ng senadora na may nilulutong kaso ang DOJ laban sa kanya.
Ipinakita pa niya ang palitan ng text message nina Aguirre at isang Cong. Jing na pinaniniwalaang si former Negros Oriental Rep. Jacinto “Jing” Paras na nag-aakusa sa kanya na minamanipula ang mga testigo.
Ayon kay Hontiveros, malinaw na harassment at paraan ito ni Aguirre para patahimikin silang nasa oposisyon.
Samantala, pinag-i-inhibit din ni Hontiveros si Aguirre sa imbestigasyon ng pagpatay kay Kian.