Manila, Philippines – Nais paimbestigahan ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre ang ilang mambabatas kaugnay ng nagpapatuloy na bakbakan sa Marawi City.
Kabilang rito Sina Senators Antonio Trillanes Iv, Bam Aquino, Magdalo Rep. Gary Alejano at si dating Aquino Cabinet Secretary Ronald Llamas.
Ayon kay Aguirre, may impormasyon siyang natanggap mula sa isang asset na nagtungo sa Marawi ang mga nasabing mambabatas noong May 2 kung saan sila nakipagpulong sa ilang political clan sa lugar.
Giit ni Aguirre, hindi sisiklab ang krisis sa Marawi kung hindi nagpunta roon ang mga taga-oposisyon.
Dahil dito, dapat aniyang maimbestigahan ang nasabing pulong na posibleng bahagi ng destabilization plot laban sa administrasyon.
Agad namang bumuwelta sa akusasyon si Senador Bam Aquino at sinabing fake news ito.
Aniya, May 19 siya nang magpunta sa Marawi at ito ay para sa launching ng Negosyo Centre.
Sabi naman ni Trillanes, tatlong taon na siyang hindi nagpupunta ng Marawi sabay batikos sa kapalpakan ni Aguirre.
Tinawag ding kasinungalingan ni Alejano ang paratang ng kalihim at aniya, nasa press conference siya at dumalo pa sa sesyon sa plenaryo noong May 2.
Kagabi, agad ding nilinis ni Aguirre ang pangalan ni Aquino, pamilya Lucman at Alonto pero hindi binawi ang paratang kina Llamas, Trillanes at Alejano.
Paliwanag nito, misquoted lang siya ng media.
DZXL558