Justice Secretary Aguirre, pinag-i-inhibit ni Senator Hontiveros sa imbestigasyon ukol sa pagkamatay ni Kian Delos Santos

Manila, Philippines – Pinag-i-inhibit ni Senador Risa Hontiveros si Justice Secretary Vitaliano Aguirre sa lahat ng imbestigasyon kaugnay sa pagpatay kay Kian Delos Santos.

Pinapatigil na rin ni Hontiveros si Aguirre sa pagpupumilit na maisailalim sa Witness Protection Program o WPP ang mga tatlong testigo sa kaso na nasa pangangalaga ngayon ng Senado.

Ikinatwiran ni Hontiveros na dahil sa mga one sided na pahayag ni Aguirre pabor sa mga pulis ay nawalan na ito ng kredibilidad na hawakan pa ang kaso.


Kaugnay nito ay tiniyak ni Hontiveros na sa mga susunod na araw ay gagawa sila ng legal na hakbang para maitsapwera si Aguirre sa kaso ng pagpatay kay Kian.

Binigyang diin ni Hontiveros na hindi nila hahayaan si Aguirre na sirain ang kredibilidad ng mga testigo, pahinain ang kaso at limitahan ang pananagutan ng mga pulis na bumarin at nakapatay kay Kian.

Samantala, ipinarinig din ni Hontiveros sa mga mamamahayag ang kanyang pakikipag-usap sa telepono sa Overseas Filipino Worker na ina ng pinakabatang saksi sa pagpatay kay Delos Santos.

Sa kanilang pag-uusap ay nilinaw ng ina ng testigo na pumapayag siyang makipagtulungan sa kaso ang kanyang at maisailalim ito sa proteksyon ng Senado.

Facebook Comments