Manila, Philippines – Nanawagan ang liderato ng Liberal Party o LP kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre na magbitiw na sa pwesto.
Ipinunto ni LP President Senator Kiko Pangilinan na nasisira na ang reputasyon ng Dept. of Justice dahil sa paulit ulit na kasinungalingan at pagkakalat umano ng fake news ni Aguirre.
Pinakahuli aniya ay ang sinabi ni Aguirre na tinangkang suhulan ng mga dilawan ang mga magulang ni Kian Loyd delos Santos na sina Saldy at Lorenza.
Diin ni Pangilinan, wala itong katotohanan.
Ayon kay Pangilinan, maliban sa ginawang pagpunta sa burol ni Kian ng ilan nilang miyembro ay hindi man lang kinontak ng partido ang mga magulang ni Kian.
Sabi ni Pangilinan, hindi ito ang isang beses ng naghayag ng kasinungalingan o fake news si Justice Secretary Vitaliano Aguirre patungkol sa LP na sa bandang huli ay banabawi din nito.
Ipinaalala ni Pangilinan ang ginawang paghingi ng paumanhin ni Aguirre noon matapos nitong ihayag na sya at mga miyembrong sina Senators Leila de Lima at Antonio Trillanes IV ay planong magbigay ng immunity sa mga personalidad na sangkot sa P50-million bribery scandal sa Bureau of Immigration.