Nagkomisyon ang Justice Sector Coordinating Council (JSCC) ng pag-aaral hinggil sa jail decongestion sa bansa.
Ang JSCC ay inter-agency body na kinabibilangan ng Korte Suprema, Department of Justice (DOJ), at Department of the Interior and Local Government (DILG).
Sa talumpati ni Justice Secretary Crispin Remulla sa United Nations Human Rights Council sa Geneva, Switzerland, inihayag nito na batay sa nasabing pag-aaral ay umaabot sa halos 200,000 ang mga preso sa lahat ng piitan sa bansa nitong 2021.
Ayon pa sa kalihim, 70% ng mga bilanggo ay may ongoing na paglilitis ng kaso sa korte habang ang 30% ay mga sentensyado na.
Nabatid din na 70% ng kulungan ng Bureau Jail Management and Penology (BJMP) ay overcrowded na may average congestion rate na 387%.
Nasa 310% naman ang congestion rate ng mga kulungan ng Bureau of Corrections (BuCor).
Ito ay dahil nasa 50,000 ang prison population sa mga pasilidad ng BuCor sa katapusan ng Enero ngayong taon kahit 12,000 lang ang kapasidad ng mga ito.