Mga labi ng Adamson University student na si John Matthew Salilig na nasawi sa hazing, naiuwi na sa Zamboanga City

Dumating na sa Zamboanga City ang mga labi ng Adamson University student na si John Matthew Salilig na nasawi sa hazing.

Alas-7:10 kaninang umaga nang dumating sa lungsod ang mga labi ni Salilig lulan ng C-130.

Idineretso ito sa chapel ng La Merced Funeral Homes kung saan din kasalukuyang nakaburol ang kanyang lolo na namatay noong February 25.


Bumuhos naman ang emosyon at pagdadalamhati ng pamilya, kamag-anak, mga kaibigan at kaklase ni John Matthew.

Saglit ding binuksan ang kabaong nito upang masilayan ng kanyang pamilya.

Samantala, sa interview ng RMN Zamboanga, sinabi ni Jeoffrey “Jiggs” Salilig, ama ng biktima, na tuloy ang pagsasampa nila ng kaso laban sa mga suspek sa pagkamatay ni John Matthew.

Pero sa ngayon, taimtim muna raw nilang isasagawa ang burol ng kanyang anak hanggang sa mailibing ito sa Sabado.

“Dalhin muna namin si Matt to his final resting place kasama yung paborito niyang lolo. And siguro, after a while, sama-sama muna kami sa family. Siguro, because ongoing yung case natin, andyan na yan, so whatever yung kuwan ng kaso natin, we will actively participate. We will find justice for Matt,” ani Salilig.

“We don’t want whitewash on this case. Marami nang nabiktima sa hazing na ‘to so we want na lumabas yung totoo and then panagutin kung sino ang may kasalana,” dagdag niya.

Facebook Comments