Manila, Philippines – Iginiit nina Senate Minority Leader Frankin Drilon at Senator Francis Kiko Pangilinan na hindi na kailangang amyendahan ang Juvenile and Justice Welfare Act para ibaba ang minimum age of criminal responsibility mula sa kasalukuyang kinse anyos.
Diin nina Drilon at Pangilinan, ang dapat gawin ay ipatupad ng mabuti ang batas bilang solusyon sa mga menor de edad na nakagagawa ng krimen.
Dismayado din si Drilon dahil hindi nasunod ang itinatakda ng batas na pagtatayo ng sapat na bilang ng mga Bahay Pag-asa sa buong bansa, habang mga nakatayo nang mga Bahay Pag-asa ay hindi naman pala napapatakbo ng maayos.
Wala din itong mga programang nakalatag para sa rehabilitasyon ng mga batang naliligaw ng landas.
Sinupalpal naman ni Pangilinan ang bumabatikos sa kasalukuyang batas matapos lumabas ngayon na sablay pala ang implementasyon nito.
Paliwanag ni Pangilinan, malinaw sa batas na mayroon ding pananagutan ang mga batang mas mababa sa kinse anyos na makakagawa kahit hindi sila sasampahan ng criminal case.