Nananawagan ang isang grupo sa mga opisyal ng pamahalaan na sa halip na alisin, ay palakasin na lamang ang K to 12 program sa basic education.
Ayon kay Philippine Business of Education (PBED) President Chito Salazar, nagsimulang ipatupad ang K to 12 curriculum sa Grade 1 noong 2012 at hanggang sa ngayon ay hindi pa nagtatapos ang mga mag-aaral na naabutan nito kung kaya’t dapat bigyan pa ng panahon ang programa.
Huwag din aniyang kalimutan ng publiko na sa loob ng 12 taon ay nagkaroon ng pandemya kung kaya’t hindi dapat isisi ang mababang kalidad ng edukasyon sa K to 12 program.
Aminado naman si Salazar na talagang mayroong krisis ang bansa sa edukasyon kung kaya’t dapat tutukan ang reading, writing, at mathematical skills ng mga mag-aaral at isa ang K to 12 sa magiging lunas ng naturang krisis.
Dapat din aniyang maging multi-sectoral effort at lahukan ng education officials, mga eksperto, stakeholders, business community, at civil society groups ang pagsusuri sa K to 12 program ng bansa.