Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nakapasok sa Witness Protection Program (WPP) ang ilang testigo at mga kamag-anak ng mag-inang pinagbabaril at pinatay ni Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca sa Paniqui, Tarlac.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, marahil ay wala pang nag-aabiso sa pamilya ng mga biktimang sina Sonya at Frank Gregorio para humiling ng proteksyon sa DOJ-WPP.
Iginiit naman ni Sec. Guevarra na sinumang testigo ng krimen ay bukas para mag-apply sa DOJ para sa kanilang proteksyon.
Sakali aniyang mag-apply ang pamilya Gregorio ay agad itong pag-aaralan ng DOJ pero dahil voluntary basis ang saklaw ng WPP ay kailangan pa ring magsumite ng aplikasyon at requirements sa kagawaran.