Kaanak ni Marcelo Perico, Kinukuwestiyon ang Inisyung Death Certificate

Cauayan, Isabela – Tuliro at nagtatanong ang pamilya Perico sa ini-isyung death certificate ng PNP Crime Laboratory na nakabase sa Urdaneta City, Pangasinan.

Sa panayam na ginawa ng RMN Cauayan News Team kay Ginang Lolita “Neneng” Perico, asawa ni Marcelo at ilang kamag anak sa kanilang tahanan sa Cauayan City ay ibinahagi nila ang nakuhang death certificate kung saan ay nakalagay na sanhi ng kamatayan ng kanilang kamag anak ay mula sa tama ng bala ng baril. Ang death certificate na may petsang Setyembre 12, 2017 na pirmado ng isang Dr Ariel de Vera na Medico Legal Officer ng PNP Crime Laboratory sa Urdaneta, Pangasinan.

Ito ay taliwas sa impormasyong napag alaman ng pamilya Perico mula sa Funeraria Carbonnel Cauayan na suportado ng mga kuhang larawan na putok sa bumbunan, napitpit na palad at saksak sa tagiliran at leeg ang pinsala sa katawan nang kanilang inasikaso ang bangkay.


Magugunitang sa report ng PNP Pangasinan na may petsang Setyembre 4, 2017 ay may nakaengkuwentro daw silang grupo ng NPA noong Agosto 25, 2017 kung saan ay kasama doon si Perico. Sa naturang engkuwentro ay namatay umano ang tatlong pinaghihinalaang kasapi ng NPA. May mga narekober ding baril, pampasabog, cellphone at iba pa.

Sa pareho ding panayam ay kanilang hinihiling ang hustisya para sa nasira nilang kaanak lalo pa at may mga hindi tugmang impormasyon kasama ang hindi umano kapani pamiwalang death certificate.

Ipinaabot din ng pamilya na sila ay nangangamba dahil sa mga napapansin nilang mga umaaligid na mga hindi kilalang indibidwal sa kanilang tahanan.

Ninanais din ng mga kaanak na mabawi nila ang motorsiklo, wallet, cellphone at mga personal na kagamitan ni Perico na hanggang ngayon ay naroon pa sa Pangasinan.

Facebook Comments