Kabalikat Star Troopers, Nag-ambagan para sa mga Lubos na Nangangailangan!

Cauayan City, Isabela- Nag-ambagan ang tropa ng 5th Civil Military Operations Battalion ng 5th Infantry Division, Philippine Army upang matulungan ang mamamayang lubos na nangangailangan sa kanilang nasasakupan sa gitna ng nararanasang pandemic na dulot ng COVID-19.

Sa ibinahaging impormasyon ng 5CMO Battalion, pinangunahan ni Colonel Camilo Saddam, pinuno ng nasabing yunit ang naturang hakbang na may temang “Kapwa Ko, Sagot Ko” upang maipakita ang kanilang pagmamalasakit sa mamamayan sa kabila ng nararanasang krisis.

Sa kabila ng pagiging frontliner ng mga sundalo na kasama sa mga lumalaban sa pagkalat ng COVID-19, naglabas mula sa kanilang sariling bulsa ang nasa isang daan at labing pitong (117) sundalo ng 5thCMO upang ipambili ng mga pangunahing pangangailangan ng indibidwal lalo na sa pagkain.


Ayon kay Col. Saddam, sa panahong ito ay kailangan aniyang ipadama sa mga taong bayan na hindi sila nag-iisa dahil ang mga kasundaluhan ay nakahandang umalalay at tumulong lalo na sa mga ganitong sitwasyon.

Dagdag pa ng opisyal, ang munting tulong na ito ay hindi lamang para sa taong bayan kundi tulong na rin sa ating pamahalaan.

Kaugnay nito, inaasahang nasa higit 100 pamilya ang mabibiyayaan ng nasabing hakbang ng yunit mula sa Brgy Upi at Songsong sa bayan ng Gamu, Isabela.

Samantala, katuwang rin ng 5thCMO sa pamamahagi ng tulong ang SM Cauayan dahil bukod sa mga relief goods na ipapamigay ay mamamahagi rin ng mga laruan o ang tinatawag na “Bears of Joy”.

Facebook Comments