Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel, balak imbestigahan ng Senado dahil sa pagiging miyembro ng CPP

Pinag-aaralan ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na maimbestigahan ng Senado si Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel matapos na mabulgar sa pagdinig ng Senado na miyembro ito ng Communist Party of the Philippines (CPP) at recruiter ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA).

Sa motu proprio investigation ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs tungkol sa patuloy na recruitment ng mga rebeldeng komunista sa mga educational institutions, ibinulgar ni Arian Jane Ramos, dating Chairman ng Gabriela Youth-UP Mindanao na miyembro ng CPP ang kongresista.

Aniya pa, tiyak na itatanggi ni Manuel ang rebelasyong ito dahil yun naman ang kanilang gawain sa legal front, ang itago ang kanilang pagkakakilanlan na sila ay mga kasapi ng underground mass organization at miyembro ng CPP.


Dagdag pa ng isang dating rebelde na si Kate Raca, si Manuel ang nasa likod ng recruitment efforts ng NPA sa University of the Philippines.

Sinabi ni Raca na kasama niya ang kongresista at ito ang mastermind ng recruitment ng NPA habang siya naman ang chairperson noon ng Alay Sining.

Iginiit naman ni Dela Rosa na seryosong usapin ito dahil isang kongresista na nakakatanggap ng mga perks mula sa gobyerno ang siya ring sumisira sa pamahalaan.

Nagpasaring din ang senador na kaya pala suportado ni Manuel ang imbestigasyon ng International Criminal Court dito sa bansa kung saan dawit din si Dela Rosa bilang dating PNP chief.

Samantala, naglabas naman ng statement ang Kabataan Party-list at tahasang pinabulaanan ang mga paratang sa kanilang kongresista.

Facebook Comments