Sa ating panayam kay Marcial Corpuz, Deputy Tanod ng Barangay District 1, mayroon pa rin aniya kasi silang nasisita na mga kabataan na galing pa sa ibang mga barangay sa Lungsod na palakad-lakad sa dis-oras na ng hating gabi.
Hinuhuli naman aniya nila ang mga naabutang kabataan na gumagala sa gabi at ipinapasakay sa kapulisan para mapaalalahanan at mabigyan ng warning.
Bukod dito ay tinitignan rin ang posibleng ibang agenda ng mga tumatambay sa gabi gaya ng pagnanakaw at iba pang illegal na aktibidad.
Ibinahagi ni Tanod Corpuz na sa buong buwan ng Oktubre ay mayroon silang nahuli na 11 kabataan kung saan karamihan sa mga ito ay nasa edad 13 hanggang 16 taong gulang.
Panawagan naman nito sa mga magulang ng kabataan na bantayan ang mga anak at huwag hayaang pagala-gala sa gabi para hindi mapariwara at hindi masangkot sa anumang insidente.