Manila, Philippines – Isinusulong sa Kamara ang pagbibigay proteksyon sa karapatan ng mga tricycle drivers at operators sa bansa.
Bumuo na ng Technical Working Group ang House Committee on Transportation para sa pagbuo ng “Magna Carta For Tricycle Drivers And Operators”.
Pinakalayunin ng panukala na matiyak na ang nasabing sektor ay mabibigyang proteksyon ang kanilang kabuhayan mula sa mga otoridad na mapang-abuso.
Ilang reklamo na natanggap ng komite ay iligal na koleksyon, iligal na pagbebenta ng prangkisa at pag-iisyu ng maraming permits para sa isang tricycle.
Gagawing simple na rin ang registration system, magtatayo ng one-stop-shop para sa mga tricycle operators, magbibigay na rin ng health care at social benefits at iba pa.
Magtatakda naman ng registration fee na hindi sosobra sa P1,000 na valid sa loob ng tatlong taon at sakop na nito ang license to operate, filing fee, franchise fee at iba pang bayarin.