Bumaba na ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa bansa pero kapansin-pansin pa rin ang ilang pagtaas ng mga tinatamaan ng virus sa ilang lugar sa Pilipinas.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, naglalaro na lamang sa 2,400 ang naitatalang mga kaso sa halos buong isang linggo kumpara sa mas mataas na bilang noong Agosto.
Mahigpit na binabantayan ngayon ng DOH ang mga lugar na nakapagtala ng mataas na kaso sa nakalipas na dalawang linggo.
Aniya, nasa magandang direksyon ang pamahalan at maganda ang nagiging indikasyon sa paglaban sa COVID-19.
Gayunman, nagpa-alala si Vergeire na huwag pa rin magpakampante ang lahat.
Dagdag pa ni Vergeire, malaki ang naitutulong dito ng pagsasagawa ng malawakang contact tracing ng mga Local Government Unit (LGU).
Maliban dito, malaki rin ang naging tulong ng Coordinated Operations to Defeat Epidemic (CODE) strategy na mas nakapagpalakas sa surveilance, contact tracing at pagdadagdag ng mga Barangay Health Emergency Response Team (BHERT).