Manila, Philippines – Nakahinga ng maluwag ang grupong KADAMAY (Kalipunan ng Damayang Mahihirap) sa pagbawi ng pamahalaan sa planong pagpapa-alis sa mga miyembro nito na umokupa sa housing units sa Pandi, Bulacan.
Una nang iniatras ni Cabinet Secretary and Housing Czar Leoncio Evasco ang inilabas na eviction order laban sa mga ito na iligal na nanirahan sa pabahay ng gobyerno para sa mga sundalo, pulis at iba pang kawani ng pamahalaan.
Ayon kay Joel Miralpes, pinuno ng KADAMAY Manila chapter — nailigtas ni Evasco si Pangulong Rodrigo Duterte sa galit ng maralita na ipinagmamalaking mass base ng pangulo.
Giit pa ni Miralpes na pinatutunayan nito na lehitimo ang naging pagkilos ng KADAMAY, na pairalin ang kanilang karapatan sa libreng pabahay.
Maituturing din aniyang tagumpay ang naging hakbang ng grupo dahil nailantad ang kapalpakan ng programang pabahay ng gobyerno na naging gatasan ng mga tiwaling opisyal at pananamantala ng mga propesyonal na squatters.
Facebook Comments