Kadete ng PMA, nagnakaw ng 5-pirasong ubas sa loob ng akademya; hatol sa kaso kinuwestyon

FILE PHOTO

Dismayado ang ilang grupo sa naging desisyon ng Philippine Military Academy (PMA) kaugnay ng isang kadeteng nagnakaw ng 5 pirasong ubas sa loob ng institusyon noong nakaraang linggo.

Sa halip kasi na alisin sa akademya, binigyan na lamang ng parusang 51 demerit points, 180 hours ng punishment tours, at 180 days ng confinement sa loob ng barracks ang estudyante na kinilalang si Cdt. 3rd Class Desemore Guillermo.

Hindi rin umano tinanggap ng pamunuan ang resignation ng kadete matapos siyang mahatulang guilty.


Ayon sa mga miyembro ng PMA alumni, dapat pinatawan si Guillermo ng dismissal o pagkakatanggal sa akademya dahil paglabag sa honor code ng institusyon ang ginawa nito.

Iginiit nilang bumaba ang morale ng mga kadete dulot ng nasabing hakbang.

Nanindigan naman ang PMA na dumaan sa tamang proseso ang kaso ng kadete.

“Just like all honor cases in the PMA, has also gone through the due process, the honor committee, and the board of senior officers of the PMA. [They] had reviewed, resolved and recommended what they deemed are the right actions to be taken,” tugon ni Maj. Cheryl Tindog, tagapagsalita ng PMA.

Nanatili rin aniya na sagrado ang honor code ng institusyon simula nang magbago ang sistema nito noong 2007.

“The decision made for this case was in no way a deviation from what the honor code and the honor system stand for. But it is actually a testament to the PMA’s character development program for all cadets that is anchored on sacred ideals, realistic circumstances and true transformation,” dagdag ni Tindog.

Facebook Comments