Inanunsyo ng mga pamahalaang lungsod ng Las Piñas at Pasay na kanilang muling idaraos ang Kadiwa ng Pangulo Program ngayong araw hanggang bukas.
Ayon kay Las Piñas Mayor Imelda Aguilar, ang proyektong ito ng pangulo at ng Department of Agriculture (DA) ay naglalayong makapagbigay ng access sa de-kalidad at abot-kayang mga bilihin sa mga mamimili.
Kinumpirma naman ni Aguilar na gaganapin ang programa sa lungsod ng Las Piñas mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon sa Barangay Almanza Uno, Almanza Dos, Pilar Village, CAA, Daniel Fajardo at Manuyo Dos bukas, May 31.
Dagdag pa ng alkalde, bukod sa special milled rice na nagkakahalaga ng P39 kada kilo, maaari ding bumili ng asukal, gulay, prutas, at iba pang produkto sa abot-kayang presyo.
Samantala, sa lungsod naman ng Pasay maaaring puntahan ng mga residente ang Pasay City Astrodome kung saan gaganapin ang naturang programa ngayong araw hanggang bukas, mula alas-7 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon.