Kadiwa ng Pangulo, sinimulan na rin sa Pili, Camarines Sur; paglulunsad nito, pinangunahan ni PBBM

Gagawin na rin sa Pili, Camarines Sur ang Kadiwa ng Pangulo matapos na ilunsad ito ngayong araw na pinangunahan mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa mensahe ng pangulo sa ginanap na launching ceremony, sinabi nitong ngayong nanatili ang pagtaas ng gasolina at mga pangunahing bilihin, ang gobyerno na ang magdadalala ng mga murang pagkain mula magsasaka patungo sa Kadiwa.

Ipinaliwanag ng pangulo sa mga taga-Camarines Sur na sa Kadiwa program, ang gobyerno ang magbabayad ng iba’t ibang gastusin para mapabilis ang pag-transport ng mga pagkain at agricultural commodities mula magsasaka at hindi na dadaan sa mga middlemen.


Sa pamamagitan nito aniya ay magiging mas mura ang mga pagkain nabibili sa mga Kadiwa stalls na una nang sinimulan noong nakaraang taon partikular noong Disyembre na tinawag na Kadiwa ng Pasko.

Sa ngayon, ayon sa pangulo ay umaabot na sa mahigit 500 Kadiwa mayroon sa buong bansa, sa Kadiwa stalls aniya ang presyo ng bigas umaabot sa P25 kada kilo habang ang kada kilo ng asukal umaabot sa P85 kada kilo.

Samantala, bukod sa paglulunsad ng Kadiwa sa Pili, Camarines Sur, sinabi ng pangulo na magtatayo rin ng palengke sa lugar na mayroong mababang presyo ng agricultural products at finished products.

Facebook Comments