Kadiwa Outlets, ikakalat na sa Metro Manila ng DA

Magpapakalat pa ng mas maraming ‘Kadiwa ni Ani at Kita’ Outlets ang Department of Agriculture (DA) sa iba’t-ibang lugar sa Metro Manila para pagsilbihan ang mga consumers sa panahon na umiiral ang Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Ayon kay DA Secretary William Dar, plano ng ahensiya na ipakalat ang Kadiwa Mobile Market anumang araw ngayong linggo lalo na sa mga urban communities para makapagbenta ng sariwa at abot kayang presyo ng mga gulay, karne at isda.

Paliwanag ng Kalihim sa pamamagitan din nito matutulungan ang mga magsasaka at mangingisda na mailako ang kanilang produkto at kumita.


Mas mura rin ng 20% ang presyo ng mga bilihin dito kumpara sa ibenebenta sa mga public market sa Metro Manila dahil direktang nakukuha sa kanila.

Dagdag pa ng Kalihim maglalagay pa rin sila ng karagdagang outlet malapit sa Elliptical Road sa Quezon City at sa iba pang participating Local Government Units (LGUs) na nagpakita na ng interes na makiisa sa proyekto.

Target ng DA na makapag-deliver ng 10 hanggang 12 metric tons ng sariwang produkto para mapanatili ang operasyon ng Kadiwa Outlets sa Metro Manila.

Facebook Comments