Kadiwa stores na may P25.00/kilo ng bigas ipapakalat ng DA

Target ng Department of Agriculture (DA) na ikalat pa sa mga Kadiwa stores sa iba’t ibang panig ng bansa ang 25 pesos per kilong bigas.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni DA Assistant Secretary Kristine Evangelista na sa ngayon kasi ay sa Kadiwa sa DA pa lamang available ang murang bigas na ito.

Kapag gumanda na aniya ang ani ng mga magsasaka ngayong taon ay plano nilang dalhin ang murang bigas sa iba pang mga sangay ng Kadiwa sa tulong ng mga lokal na pamahalaan.


Sinabi ni Evangelista kung pagbabatayan ang datos ng National Rice Program, magiging maganda ang supply situation dahil maliban sa local production ay may inaangkat ding bigas mula sa ibayong dagat.

Kasabay nito, pinawi rin ng opisyal ang agam-agam ng ilang agricultural group tulad ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ukol sa suplay ng bigas dahil mayroon naman aniyang importasyon na tutulong sa lokal na produksiyon sakaling kapusin ito.

Facebook Comments